Tara Na!: Scam

  
      “Paano ako maniniwala sa’yo?! E.. scammer ka, sinungaling ka.” sabi ni Joy, isang tindera ng longganisa sa palengke. “Dami mo nang naloko…” dagdag pa niya.
   
       “Gago.. hinde no.. maniwala ka.. mahal talaga kita.” sagot ni Ben, isang tindero ng anting-anting at sari-saring kalokohan na pinagkukumpulan ng maraming tao. Alam niya na dehins talaga epektib yung mga tinitinda niya, pero kahit ganun tinda pa rin siya ng tinda nito. Ilang beses na rin siya hinuli dahil sa kakaibang trabaho, pero paulit ulit lang din siya nakakapag-piyansa at napapawalang sala dahil wala naman talagang nagaabala na kasuhan siya ng kung ano man dapat ang ikaso sa kanya.
  
     Linggo ng hapon, wala masyadong tao sa palengke. Bilang sa daliri ang nakikipagtawaran sa mga tindera ng gulay. Makikita mo ang dulo ng palengke mula sa gate nito. Mainit pa rin ang sikat ng araw. Maalinsangan ang panahon, walang ulap at walang hangin. Kanina pa reklamo ng reklamo ang mga tindera ng niyog at malagkit na sila dalawa lang daw ang walang electric fan sa kanilang pwesto.
 
     “Kahapon nga nakarami ka e.. lakas mo mambola.” sabi ni Joy. Wala siyang masyadong kostumer ngayon. Buong tanghali na siyang nakatayo sa harapan ng mga tinda niya na walang pakundangang pinagppiyestahan ng mga bangaw.
  
     “Trabaho yun… Maniwala ka sa akin.” depensa ni Ben. Nakamaong siyang nakalislis hanggang tuhod, naka-tshirt na kulay itim. Hawak ang isang bungkos ng dahon ng di malaman na uri. Inaalok niya ang bawat nilalang na dumadaan sa kanyang harapan.
  
     “Di ko kasi nararamdaman yung sinasabi mo e.” sabi ni Joy. Sabay hatak pataas ng nalaglag ng manggas ng tshirt niya papuntang siko. Gusto niyang nakalabas at nahahanginan ang mapayat niyang mga braso. “Kasi ganyan din tono mo kapag nambobola ka ng mga dalagang naghahanap ng love potion at kung ano anong eklat e.”
 
    “Ah basta.. Mahal kita, kung ayaw mo maniwala. Okey lang.” mabilis na sagot ni Ben. May lumapit na matandang lalaki kay Ben, natakpan ang view ni Joy.

    “Anak.. may lunas ka ba sa tagulabay?” tanong ng matandang lalaki, mukhang sige siya ang may sakit.
    “Para kanino ho ba?” tanong din ng tindero ng mga magical shit.
    “Para sa apo ko.. puro pantal sa katawan e.” sagot ng matanda.
    “Eto ho.. ano ba tawag dito.. uhhh..” nagisip si Ben sa hawak na balat ng baging. “Balat ng punong balete… ipalo-palo niyo lang sa mga pantal nung apo niyo tapos ipahid niyo to.” dinampot ni Ben ang isang garapon ng langis at binuksan ito. “Amuyin niyo yan.. scented pa yan.”
    “Sigurado ka bang mabisa to?” tanong ng matanda.
    “Oho.. yan din yung ginamit namin nung nagkatalugabay yung  pamangkin ko e.” sagot ni Ben.
    “Ilang araw naman bago—” tatanong ulit ng matanda.
    “Mga apat na raw lang po… ayos na yan.” sagot ni Ben, alam niya na agad yung isasagot.
    “Sige, kukunin ko na to.. magkano ba?” tanong ng matanda.
    “45 lang po yung baging, tapos 45 lang din yung langis.. bale 90 lahat.” sagot ni Ben.
    Hinugot sa makapal na wallet ng matanda ang buong isangdaan. Mabilis na nakapagisip si Ben.
   “Tay..eto ho.. ilalagay niyo lang sa pitaka niyo.” mabilis na ipinakita ni Ben ang isang piraso ng kahoy na bilog at kulay pula. “Galing pa ang kahoy na to sa Bundok Anahaw… Poprotekahan kayo nito sa mga may masamang balak sa inyo. Sampu lang Tay.. Para may tubo lang ako.. Kasi mababa na talaga yung bigay ko sa mga gamot sa inyo.. Kasi nagkatagulabay din ako dati, makati talaga yun.”
   “Oh sige.. salamat ha?” nakangiting inabot ng matanda ng ang isang daang piso sa palad ni Ben at masayang umalis kasama ang mga nabili nito.
 
  “Ano na?” makulit na tanong ni Ben sa dalagang natatawa at umiiling sa kanya.
 
  “Demonyo ka talaga sa pambobola!” natatawang ewan si Joy. “Pamangkin?! Wala ka ngang kapatid e!”
 
 ”May gagawin ka ba mamayang gabi? Linggo naman ngayon e.. simba tayo.” makulit na tanong ni Ben.

 ”Wala naman.. pero kung ikaw ang taya.. hmmmm.. baka sumama ako.” nagkunyaring nagiisip si Joy, habang inaayos ang pagkakahilera ng mga longganisa niya. “Simba lang.”

 ”Sige sige.. text mo ako ha?” lumiwanag ang mukha ni Ben, at mabilis na hinakot ang mga paninda.
 
 ”San ka pupunta?” tanong ni Joy.
 
 ”Lilipat ako ng pwesto.. mas malakas sa may gate e.. natambay lang ako dito dahil nandito ka e.. pati dapat madami akong kitain ngayon.. special ang araw na to e.. ililibre kita ng Slurpee at Siopao mamaya sa 7/11″ mabilis na nailagay ni Ben ang mga tinda niya sa dalawang bagpack na dala dala niya.

 ”Tetext na lang kita kapag papasundo na lang ako sa bahay.” sabi ni Joy. “Uubusin ko lang tong natitirang longganisa.. nung makalawa pa to e. Sayang naman kung itatapon.”

 ”Sige… Mga alas sais uuwi na rin ako.. Maliligo pa ako.” iba ang pagkaexcite ni Ben, masaya itong umalis at lumakad papalayo.

 Naiwang nakangiti sa kawalan si Joy. Di niya alam kung totoo ang binata sa kanya, pero ano bang mawawala kung susubukan. Yun na nalang ang inisip niya.

 Isang matabang babae ang lumapit at nagtanong kay Joy.

 ”Bago ba tong mga longganisa mo??” sabay dutdot.

 ”Oho.. kanina lang gawa yan.” sagot ni Joy.
 
 ”Sige.. bigyan mo ako ng tatlong kilo.” sabi ng matabang babae.


About this entry