Bida
Malakas na napasigaw ang isang tindera ng balut ng tumama ng one-eighty sa tayang sampung piso sa saklaan. Maliwanag at masaya. Hindi halatang namatayan ang mga kamag-anakan ng nakaburol. Busy ang lahat, walang nakatunganga. May kanya kanyang umpukan ang mga tao. Sa may pinto ng funeraria, nandoon lahat ng matatandang walang ginagawa kundi magpaypay at magpalitan ng mga kwento tungkol sa kanilang mga talambuhay. Nasa may tabi naman ang truck ng funeraria ang mga nakakabatang bisita na ligayang ligaya sa paglalaro ng baraha. Sa loob nandoon ang mga bagong dating na bisita, nakaupo sa mga mga upuan sa harap ng kulay gintong kabaong. Sarap na sarap sa libreng spaghetti ang mga bata sa loob kahit amoy formaline ang buong kwarto. Natayo ang isang anghel na may paanan ng kabaong, may dala itong kandila na de-kuryente ang ilaw. Pagalaw-galaw ang katawang nito, habang bukas-sara naman ang mata. Puno ng korona ng mga bulaklak ang paligid ng kabaong. May malaking rebulto naman ni Hesus sa may dingding, na nakapormang parang sinusundo at isasama sa langit ng laman ng kabaong. Walang tigil ang paghatid ng tray-tray ng kape at mami ang mga kamag-anak ng namatay sa mga bisita. Kahit alas-dos ng umaga, parang piyesta sa labas ng funeraria.
Malayo sa ingay at gulo ng mga bisita, mayroong dalawang magkakilala na abalang-abala sa mga susunod na paglalamayan sa funeraria.
“Dre! Ayos yan ha? Sino tumugtog niyan?” tanong ni Gerry sa kasama. Nakaapron at puno ng dugo ang gloves. Mabilis na isinaksak ni Gerry ang isang tubo sa leeg ng isang matandang babae na nakahiga sa lamesang semento. Sinahod niya nang maliit na timba ang likidong lumabas sa kabilang dulo tubo.
Hindi sumagot si Eliz. Busy siya sa ginagawa niya, at hindi niya talaga narinig si Gerry dahil wala sa loob ng gusali ang pagiisip niya.
Aircon at hindi gaanong maliwanag sa loob ng morge. Sapat na ang liwanag na gusto nila para magawa nila ng matino ang trabaho nila. Ayaw nilang makita sa liwanag ang nakapaligid kanila. Ang kisame lang ang walang tiles, nakapatong sa isang de-gulong na lamesa ang TV na walang antenna, kaya hindi din magamit. Maraming timba ng tubig, marami ding gripo at marami ding lababo. Puno ng mga apparatus na ginagamit nila sa pageembalsamo ang mga mesa sa tabi ng lababo. Masikip ang buong kwarto dahil sa hale-halerang mga stretchers na may nakapatong na bangkay. Puting kumot lang ang tumatakip sa mga di kaaya-ayang anyo ng pagtatapos ng buhay sa mundong ibabaw.
Nakapatong ang isang pares ng desktop speakers sa isang monobloc chair. Buong gabi nang nagpapatugtog si Eliz gamit ang radyo na pamana pa ng tatay niyang sundalo sa kanya. Matagal nang sira ang speaker ng portable radio, kaya kailangan niya ng earphone o kaya speakers para magamit ito. Hindi buo ang araw ni Eliz kung hindi niya nagagamit ng mahigit sa anim na oras ang radyo. Bukod sa sirang speakers, may isa ring problema na di kayang iwasan ang pinakamamahal na radyo ni Eliz. Isang istasyon lang ang alam na iparinig nito, at hindi niya rin alam kung bakit iisa lang ang DJ ng istasyon. Wala na siyang pakialam.
“Pagkatapos nito, niyakag ako ni Nikki ng inuman sa kanila, birthday daw ang tatay niya kanina… madaming tirang toma at pulutan.. sama ka?” nilingon ni Gerry ang katrabahong abala sa pagpapaganda ng isa pa nilang kustomer.
“Hindi ko alam.. bahala na.” sumagot si Eliz.
“Sumama ka na dre’.. gusto mo tanong ko kung pupunta si Alyssa?” kumbinsi ni Gerry sa kaibigan.
Di agad sumagot si Eliz. Alam niya ang inaabangang sagot ng tropa.
“Wala bang bagong dating?” tanong ni Eliz.
“Wala.” sagot ni Gerry.
-·~¹’°¨°’¹i|¡‹(`··´)›¡|i¹’°¨°’¹~·-
“Naku! Gustong gusto ko ang pagsasama-sama ng mga magkakaibigan lalo na sa inuman. Sabi nga ng tatay ko sa akin dati “ang pagkakaibigan ay parang pagihi mo sa loob ng pantalon mo, nakikita ito ng lahat.. pero ikaw lang ang nakakaramdam ng dalang init nito.” Para sa masayang soundtrip ng buong barkada. Falling Down Lightly ng VHS or Beta.”Mabilis na pumasok ang intro ng kanta. Bumagal ang paggalaw ng mundo ni Eliz. Gumuhit ang mga ilaw ng kalsada sa paningin niya. Nakangiti siya sa kawalan, habang nakasandal sa malamig na sandalan sa loob ng Taxi. Malinaw sa kanyang utak ang kasiyahan na naganap sa mga dumaang panahon.
Masayang naglalakad habang magkahawak kamay silang dalawa ni Alyssa. Kakatapos lang ng shift niya sa Funeraria nun. Kahit alas-dos ng umaga, parang walang pakialam silang dalawa. Malakas at malamig ang hangin ng kapaskuhan. Masayang nagpapatay-sindi ang mga christmas light sa mga puno sa may gitna ng highway. Maganda ang liwanag ng buwan sa malawak sa dagat. Pero alam niyang wala nang mas gaganda pa sa kahawak kamay niya ngayon. Hindi ganun kadami ang naglalakad sa lugar na iyon sa ganong oras. Bihira lang ang mga nasasalubong nilang tao. Alam niyang hindi na ulit mangyayari ito sa kanya, alam niyang ito ang pinakamasaya niyang gabi sa buong buhay niya. Kasi bawat ganitong pangyayari, yun lagi ang pinakamasaya.
Umupo silang dalawa sa harap ng tahimik na kalangitan. Sumandal sa balikat niya si Alyssa.
“Alam mo, hindi ko alam kung paano ang pakiramdam ng hindi na kita mahal.” mahinang bulong ni Alyssa. “..yung fact na parang pag-iisip na parang anu ba ang pakiramdam ng patay. Yung hindi mo talaga alam kung ano ang pakiramdam, pero parang gusto mo maramdaman pero hindi ko kaya madama.”
Hindi rin alam ni Eliz ang sasabihin sa kasama. Hindi niya alam ang isasagot. Tumahimik na lang siya, habang nilalasap ang saya ng kanilang pagsasama.
-·~¹’°¨°’¹i|¡‹(`··´)›¡|i¹’°¨°’¹~·-
“Dre!” sigaw ni Gerry sa mukha niya. “Tang ina naman! Tumayo ka nga diyan!”
Nagulat at biglang napatayo sa kinahihigaan si Eliz nang maramdaman ang mamasa-masa at malamig na bangkay na katabi niya.
“Puta Dre’, masyado kang weak… ilang shot lang wasted ka na agad.” nakasando na puti si Gerry.
Hirap na binuksan ni Eliz ang kaliwang mata, nakita niya ang nakakasawang mukha ng kaibigan. Ang makapal na bigote at spike na buhok. Parang laging tutugtog sa concert ang dating ng hairstyle nito. Payat at walang buhok sa kile-kile. Maingay at magulo. Laging may yosing nakapasak sa bunganga, kahit ngayon.
“Nakakatawa ka Dre’ kagabe. Badtrip nga lang nagwala yung tatay ni Nikki. Umuwi ka kasi agad e! Dun kami sa tambayan tumuloy e.” diret-diretso si Gerry.
Lumipat sa kakabakante pa lang na stretcher si Eliz. Hindi siya nagising sa kakaibang katabi kanina. Wala pa siya sa sarili niya. Hindi niya alam kung kailan babalik.
“Gago Dre’.. Wag kang matutulog diyan.. kakaalis lang diyan nung namatay sa pneumonia e…” saway ni Gerry, sabay palo ng puting panyo sa hita ni Eliz.
Hindi pinansin ni Eliz ang kaibigan, hindi pa rin siya umalis sa pinagkakahigaan niya.
“Alam mo Dre’… nalungkot si Alyssa kagabi nung umuwi ka agad. Tinanong nga sa akin kung may nilalagawan ka ngayon e. Sabi ko ‘wala’, sabi ko busy ka sa trabaho mo. Kung ako sa’yo Dre, babalikan ko yun e. Sayang yun si Alyssa e. Bakit ba kayo nagaaway? Ayaw mo naman kasi sabihin sa akin e.”
Sa wakas, nagkaroon na rin si Eliz ng tiyaga para sumagot.
“Nalungkot? Ulol.” medyo umupo si Eliz sa stretcher kinuha ang nakatiklop na kumot sa ibabaw ng lamesa sabay ginamit itong unan. “Hindi ko na babalikan yun, hindi naman ako yoyo e.. kapag binato mo ako palayo wag mo na akong asahang babalik sayo.”
“Wow naman Dre’.” sagot ni Gerry. “So anong plano mo?”
“Wala.” mabilis na sinagot ni Eliz ang tanong.
Naglakad si Gerry palapit sa isang stretcher, hinawakan ang hawakan nito at hinila papalapit sa pinakamalapit na lababo.
“Kung ako sayo, Dre.. tatayo na ako, kasi Linggo ngayon, dalawa ang libing sa atin.. maya maya nandyan na si Mam Anna, baka masigawan ka pa nun.. parang incredible hulk pa naman yun… naaalala mo nung tinaob niya yung isang patay dahil nabadtrip sa syota niya?” sabay sinundan ito ng nakakabadtrip na tawa ni Gerry.
“Shit ka.. tumahimik ka nga diyan.” tumayo si Eliz.
“Tanga Dre’ Seryoso ako, medyo napansin kong nalungkot nga si Alyssa kagabi nung umalis ka agad.” sabi ni Gerry habang sinasabon ang katawang ng bangkay, hawak ang isang hose na konektado sa gripo.
“Oh? Anu gusto mong gawin ko?” tanong ni Eliz kay Gerry.
Kinuha ni Eliz ang maliit at kulay itim na portable radio galing sa luma niyang backpack. Kung anu anung stickers ang nakadikit dito, may mga tuklap na. Mayroong halatang bagong kabit lang. Binuksan niya ang masikip na zipper sa maliit na bulsa ng bag para kunin ang dalawang AA na battery. Matapos i-on ang radyo, kinuha niya sa cabinet kung saan itinatago ang galon galon ng formaline ang speakers nilang ninakaw nila sa isang computer shop sa may Batangas, bilang remembrance noong nag-outing sila magtotropa.
“Wala naman, baka kasi iniisip mong galit sayo yung tao e.” sagot ni Gerry.
Mabilis na lumakad si Gerry para kunin ang mga tuwalya sa may lamesa malapit kay Eliz.
“Wala siyang karapatan–”
BAAG!
“Puta naman oh!” napamura si Gerry sa sakit at gulat. “Tang ina naman Dre’!”
Nadulas sa makanin at maalcohol na lamang tyan ni Eliz si Gerry.
“Tang ina ka! Buhay ka pa!!?” tukso ni Eliz sa kaibigan, medyo naligayahan siya at medyo nagising sa nangyari sa kaibigan.
“Puta! Suka mo yan e.. Hayuf ka.” tumayo si Gerry, habang nakasimagot na naglakad at kumuha ng dalawang tuwalya.
“Akin ba yan?! Sure ka?” ngiting ngiti pa rin si Eliz, habang inaadjust ang nagulong reception ng radyo niya.
“Oo, ayan o! May pangalan mo! Zelindo Bulbulin!” tinuro ni Gerry ang nalamutak na suka sa sahig, kahit wala naman talagang pangalan.
Natigilan ang dalawa ng may pumasok sa pinto ng morge. Si Mam Anna. Ang batang batang supervisor ng Funeraria na pinagtatrabahuan nila.
“Gerry, Eliz… Mamaya dadating yung kamag-anak ni…” tumingin sa listahan si Mam Anne. “..Rosalinda MacLingat, yung inatake habang nagmamajhong.. ayusin niyo ang pageembalsamo.” sabay alis agad.
“Sino yung Rosalinda?” tanong ni Eliz sa kasama.
“Aw!” sigaw ni Gerry.
“Gago.. si Marimar yun. Tanga to.” natatawang hirit ni Eliz.
Mabilis na hinanap ni Gerry ang bangkay na nametag na “Rosalinda”. Nakita niya naman ito, pero hindi pa ito embalsamado.
“Shiiet! Tang ina. Eto muna trabahuin natin!” sabi ni Gerry, sabay hila sa kumot ng nakataklob sa katawan ng matanda.
Nakadaster lang ang matanda, nakapikit. Pero halatang masaya niyang iniwan ng mundong ibabaw.
“Naka-jackpot siguro yan.” sabi ni Eliz. Sinaksak niya ang adapter ng speakers sa saksakan. Umugong ang speaker, pero mabilis ding tumugtog ang kanta.
“Sige.. tapusin mo muna yung iniwanan mo kagabi.. tapos ito yung lagyan mo ng make-up.” mabilis na sinoli ni Gerry ang kaninang pinaliguang bangkay sa pila ng mga stretcher, at mabilis na hinubaran ni Nanay Rosalinda ng bulaklakang daster nito.
“Kelan ba daw natin to ipapasa kina Mang Kris?” binuksan ni Eliz ang cabinet malapit sa pintuan ng banyo.
“Ewan ko.. First come, first serve.. Nung makalawa pa yan dito e.” hinawakan ni Gerry ang malalamig na paa ni Aling Rosalinda, at sabay hinila ito papalapit sa tiled na lamesa sa may gitna ng kwarto. Hindi naman nanlaban ang katawan ng matanda. Mabilis na lumapat ang likod ng katawan sa basang mesa.
Sinulyapan ni Eliz ang maliit nila kalendaryo. Nakatuwad sa harapan ng camera ang isang seksi star sa ibabaw ng isang magandang motorsiklo ang nakatambad sa ibabaw ng maliit na sulat ng mga buwan ng taon. “Dre’ naalala mo nung may pumunta ditong bata?”
“Huh? Kelan?” binuksan ni Gerry ang gripo at kinuha ang isang sponge. Hinugasan niya ang buong katawan ni Aling Rosalinda nang walang gloves.
“Sakto isang taon na yun… Yung batang namatayan ng lolo at dalawang pinsan?” binuksan ni Eliz ang make-up kit niyang binigay na iniregalo sa kanya ni Alyssa.
“Ahh.. Oo! Yung parang autistic at mukhang foreigner?!”
“Naalala mo yung sinabi niya?” tumingin si Eliz sa kasama.
“Hinde e.” yumuko si Gerry sa ilalim ng lababo, kinuha ang vaccuum na gagamitin niya para kay Aling Rosalinda.
“Sabi niya.. Kung mamatay daw siya, gusto niyang katulad ng lolo niya tahimik na nahihimbing sa pagkatulog, hindi daw tulad ng mga pasahero nang lolo niya sa dinadrive nitong Jeep, nagsisisigaw daw bago mamatay.”
“Tang ina mo..” hinila ni Gerry ang isang maliit na tubo sa ilalim ng mesa. Yung tubo na ginagamit sa mga air-pump ng mga aquarium sa bahay.
“Hoy.. Shit ka ha.. Ayusin mo yang paghigop mo diyan, baka magsabog ka na naman ng utak dito!” mabilis na sinabihan ni Eliz ang kasama, dahil sa hindi matinong paraan nitong paggamit ng vacuum.
“Oo.. akala mo naman to..” naglakad kaunti si Gerry para kunin ang isang instrumento na mukhang screwdriver.
“Ikaw na lang magisa maglalaba ng mga kumot kapag sumabog na naman yan.”
“Hindi na to’ sasabog.” nilagyan kaunti ni Gerry ng langis ng instrumento sabay pinasok ito sa kanang butas ng ilong ni Aling Rosalinda. Hinalo niya na parang mangkukulam ang loob ng bungo ni Aling Rosalinda.
“Tumahimik ka nga diyan.. nakakabadtrip yang tawa mo.. para kang bruhang may LBM.”
Matapos haluin ang loob ng bungo ni Aling Rosalinda, mabillis na kinoknek ni Gerry ang maliit na tubo sa vacuum at ipinasok ito sa ilong ni Aling Rosalinda. Tinakpan niya ng bulak ang kaliwang butas ng ilong para hindi doon lumabas ang isipan ni Aling Rosalinda. Umugong nang ilang sandali ang vacuum at pinatay na rin ito ni Gerry.
“Teka.. pinapatanggal ba ng pamilya ng utak nito?” napatanong bigla si Eliz.
“Ewan.. walang sinabi e.”
“Hayaan mo na.. wag mo na lang sabihin kay Mam Anne.”
Wala nang nagsalita sa dalawa matapos ang nakakalitong eksena. Natapos na ni Gerry ang paglilinis kay Aling Rosalinda. Ilang oras din nilang pinakinggan ang mga kantang tumutugtog sa radyo ni Eliz nang walang komento sa mga sinasabi ng DJ sa bawat kantang pinapatugtog niya.
Hindi natiis ni Gerry ang pagkatuyo ng laway sa bibig niya, at ang nakakabadtrip na pagsing-along ni Eliz sa bawat alam nitong kanta.
“Alam mo Dre’.. hinde pa kitang nakikitang umiyak.” pinupusanasan ni Gerry ng kulay dilaw na sponge ang duguang lababo. “Si Alyssa? Napaiyak ka ba nun?”
“Hindi no..” mabilis na dinepensahan ni Eliz ang pagkalalaki. “Iiyak lang ako kapag nanalo ako sa lotto.”
“Tumataya ka ba?”
“Yun nga ang point eh! Hindi ako tumataya, so hindi rin ako mananalo. So hindi ako iiyak dahil wala akong tsansa manalo! Digs!?”
Piniga ni Gerry ang sponge sa isang timba. Basag at walang hawakan ang timba, kaya naman ng binuhat niya ito gamit ang kaliwang kamay. Dumulas at nabasag ang timba sa tiled na sahig.
“Tang ina ka! Yan na nga lang timba natin dito, binasag mo pa.” napalundag si Eliz nang mabilis na dumaloy ang tubig na may halong dugo ni Aling Rosalinda.
“Hinde.. may bagong bili si Mam Anne. Yung nilalagyan ng pintura. Matibay daw yun e.” mabilis na tumakbo si Gerry para kunin ang nakasandal na mop sa may likod ng malaking steel cabinet kung saan nakalagay ang mga records. “Pati.. pagdating natin dito, timba na yan e.. Buti nga pinagresign ko na siya e.”
“Punasan mo na to.. baka dumating pa si Mam Anne.. makita–” tinuro ni Eliz ang maliit na lawa ng pink na likido sa sahig biglang bumukas ang pinto ng morgue.
-·~¹’°¨°’¹i|¡‹(`··´)›¡|i¹’°¨°’¹~·-
“Minsan diba nakakainis isipin na wala kang magagawa kahit anong gawin mo? Kahit magmakaawa ka na… kahit luhuran mo na… hindi pa rin. Yung wala na. Yung hindi na maiibabalik pa. Pero kapag inisip mo yung paghihirapan mo nung una mong natikman ang sarap, payag ka bang dumaan ulit para makita ang isang bagay na alam mong wala nang pag-asang matikman pa ulit… susubukan mo pa rin ba? Epic dba? Epic ang mga alaala. Epic ang mga kwento. Epic ng Faith No More.”
Mabilis na bumaba sa hagdan si Eliz para habulin ang umarangkada nang jeepney. Ilang kanto na ang layo ng sasakyan ng makalabas siya sa gate nilang puro kalawang. Biglang bumigat ang dalawang shoulder bag niyang dala. Bumagsak ito sa maalikabok na sa sahig, slow motion.
Dumilim ang mukha ni Eliz. Hindi siyang makakapayag na hindi siya makakasama sa outing sa Batangas!
Muli niyang dinampot ang dalawang shoulder bag at tumawag ng pedicab. Walang pedicab tuwing alas-tres ng umaga. Lumingon sa siya kaliwa’t kanan, walang tao sa kalye. Walang pampasaherong sasakyan. Isang asong pinoy lang ang nakita niyang may dalang diapers na namumutok sa lamang tyan ng kapitbahay nilang sanggol.
Limang buwan niya hinintay ang pinakakahihintay na araw. Limang buwan siyang walang almusal na Starbucks Coffee para makatipid. Limang buwan niyang pinagplanuhan ang isusuot. Limang buwan.
Sumikip ang pagkakahawak ni Eliz sa shoulder bag, tiningnan ang sapatos kung nakasintas.
Nakita niyang lumabas sa pinto nila ang nanay niya, pero wala nang oras para sa sisihan .Binanatan niya niya na ng takbo, pero kasamaang palad. Nagulat ang asong pinoy at bigla nitong hinabol si Eliz. Pero hindi yun sapat para basagin ang desperadong makasama sa outing na binata. Lalo pa nitong binilisan ang takbo.
Nakita niya ang likod ng jeep na kumaliwa sa pangatlong kanto mula sa kanyang kinatatayuan. Hindi kayang talunin ng matatamlay na liwanag ng poste ang madilim at napapaligiran ng kwentong kababalaghan ang kalye tinutungtungan niya ngayon. Mabilis na nawala ng jeep sa paningin niya. Hindi pa rin nabuwal ang masamang loob ni Eliz.
Tang ina. Hindi ba siya hinintay ng mga kasama niya. Wala ba silang konsiderasyon sa dati nilang auditor sa IV-Bahaghari. Naiiyak na si Eliz sa awa sa sarili. Pero hindi siya umiyak, alam niyang may pagasa pa.
Muli niyang isinipa ang mga pagod na paa. Inisip niya na lang, snatcher siya.
Pero nang makarating siya sa Main Road. Wala na. Nabasag na ang pula. Malayo na ang jeep. Tuldok na lang sa mahabang kalye sa jeep na sanang magdadala sa kanya sa Batangas. Tuldok na lang ang mga pulang ilaw sa likuran ng jeep, kung saan nakasakay ang crush niyang muse na si Alyssa. Bopols na ang minsan niyang napaginipang paglalakad sa tabing-dagat kahawak kamay ang inaasam asam niyang babae habang papalubog ang haring araw. Zero na ang pangarap na paglasap ng malamig na hangin habang magkasandal balikat silang dalawa ni Alyssa at nakaupo sa isang punong nakabagsak di malayo sa dalampasigan. Olats na ang kinasabikang bonfire sa maliwanag na gabi sa beach, habang katabi si Alyssa na kanyang crush.
Mangiyak ngiyak na tumawag ng tricycle na nagaabang sa may tabi ng isang gas station si Eliz. Hindi niya matanggap na magagawa ito ng kanyang mga kaklase na kanya. Mga traydor! Mga lapastangan!
Hindi niya mapigilan ang umiyak habang iniisip ang mga ginawa niya para makasama lang sa outing. Nawala na ang lahat. Kasalanan niya naman e. Hindi niya kayang sisihin ng harap-harapan ang mga nangiwan sa kanya. Hindi niya kaya, dahil alam niyang siya rin ang mapapagtawanan.
Malas talaga ang biyernes ng umaga ni Eliz. Biglang sumabog ng napalakas ang gulong ng sinasakyan ni Eliz. Napilitan siyang maglakad papauwi.
Ilang kanto pa ang bahay ni Eliz mula sa pinangyarihan ng nakakabadtrip na pagkakaflat ng gulong. Hindi na siyang nagdalawang isip na maglakad. Dahil sinabihan na rin siya nang driver na magbayad na lang ng limang piso, at pasensya na sa abala.
Pasan ang mabigat na loob at mga bag, tinahak ni Eliz ang kalyeng madilim. Hindi na pumasok sa isip niya ang mga paranormal na mga bagay na lumalabas sa kalsada. Nang bigla siyang nagulat ng may tumawag sa pangalan niya.
“Elllizzz!”
Napalingon siya sa likod niya, nandun si Gerry at Nikki. Tumatakbo ang dalawa papalapit sa kanya.
“Saan ka pupunta?!” bulalas ni Gerry, nakasuot ito ng Hawaiian na polo at dala ang paborito nitong batman na bagpack. “Diba kasama ka din sa Outing?!”
Pumasok na naman ang salitang ‘outing’ sa isipan ni Eliz. “Wala na! Naiwan na tayo!”
“Anong naiwan!?” nagulat si Nikki.
“Kanina pa sila umalis, hinabol ko pa nga.” Tumigil sa paglalakad si Eliz para hintayin ang Sargeant at Arms at ang Vice-President ng IV-Bahaghari.
“Eh.. kakatawag lang ni Jay sa bahay e. Nandun na daw sa inyo yung jeep e!”
“Oh!?”
Mabilis na lumakad ang tatlo. Lahat sila hindi sigurado. Hindi nila alam kung sino ang naglalakad ng tulog, at naalipungatan lang.
Pagliko nila sa kanto, nakita nila ang jeepney na nakaparada sa harap ng bahay ni Eliz. Marami nang nakasakay sa loob nito, marami na ring naghihintay sa labas na dahil mainit daw sa loob ng jeep. Natawa si Eliz sa sarili, hindi niya alam kung ano ang sasabihin sa nanay niya.
Pagdating nila sa harap ng bahay nila Eliz, sinalubong agad ng tanong si Eliz.
“San ka pumunta!?” nakapamewang ang nanay niyang nakadaster pa.
Hindi niya kayang aminin ang kayang katangahan. Kaya nagpalusot na lang siya. “Tiningnan ko lang kung bukas pa yung bakery nila Mang August.. sarado pa pala.”
“Ahh.. bakit hindi mo iniwan na lang dito sa bahay yung mga gamit mo?”
“Excited lang yan Aling Josie..” singit ni Gerry.
Pumasok na ang lahat sa loob ng jeep. Nagumpisa ng magplay ang tatalon talong reception ng driver sa AM radio. Nagdagdag na muli ang polusyon sa hangin ang lumang jeep na magdadala sa kanila sa Batangas. May napansin si Eliz, na talaga namang nagpadismaya sa kanya.
“Nasan si Alyssa?” bulong ni Eliz kay Nikki.
“Wala… May sakit daw.” nakasilip si Nikki sa maliit na bintana ng jeep, at malakas na hinihipan ng hangin ang mahaba nitong buhok sa mukha ni Gerry. Hindi naman nagrereklamo si Gerry.
Inayos niya na lang pagkakaupo pa mapagbigyan ang katabing gusto pa kanina itaas ang paa. Hinugot niya sa dalang bag ang lumang radyo ng bigay ng tatay niya at ipinasok sa tenga ang luma na rin nitong earphones. Hindi niya ipinakitang dahil lang kay Alyssa kaya siya sumama sa outing.
Natawa na lang siya nang maalala na nagpakapagod siya para humabol sa maling sasakyan.
“Anong nakakatawa?” napalingon sa kanya si Nikki.
“Wala.. etong kanta, nakakatawa kasi.”
-·~¹’°¨°’¹i|¡‹(`··´)›¡|i¹’°¨°’¹~·-
“May nagsaksakan na naman ba dito?” pumasok bigla sa kwarto si Nikki. Nakasuot ito ng dati nitong laging suot. Nakasuot ito ng fit na tshirt at fit na pantalon. Nakablue na tshirt at itim na pantalon siya ngayon. Habang nakaheadband na kulay pink.
“Huh?” natigilan si Gerry.
“Puta.. parang may nagsaksakan lang dito ha.” dahan-dahan naglakad si Nikki sa basang sahig.
“Balita?” patuloy pa rin si Eliz sa pagpapaganda kay Aling Rosalinda.
“Eto.. walang pasok. Walang magawa sa bahay e.. Kayo ba?” sumilip si Nikki sa ginagawa ni Eliz.
“Ewan ko diyan kay Eliz… sabi ko kumustahin si Alyssa e.” hinihila pabalik balik ni Gerry ang lumang mop sa sahig.
“Hindi na.. baka sabihin nun hinahabol ko pa siya.”
“Unan na lang kulang niyan.. parang natutulog na lang yan.” naglakad-lakad si Nikki sa loob ng naging bahay na ng dalawa niyang kaibigan.
Binuksan ni Nikki ang mga nakasaradong cabinet, parang naghahanap ng treasure.
“Wala kang makikita diyan… Anu ba hinahanap mo?” sinaway ni Gerry si Nikki, habang iniisa nito ang mga cabinet.
“Wala naman..” binuksan ni Nikki ang isang garapon at inamoy ang laman nito. Pero mabilis din niya naman sinaran ito.
Umatras si Eliz, para silipin kung okey na ang pagkakamake up niya kay Aling Rosalinda. Muli siyang lumapit sa matanda para dagdagan pa ito ng foundation sa kaliwang pisngi.
“Gusto niyo maginuman mamay?” umupo si Nikki sa isang bakanteng stretcher. Sanay na rin siya sa kamatayang pumapaligid sa dalawa. Halos apat na beses siyang nakatambay kasama ang dalawa niyang kabigan at ang iilang mga kustomer nila.
“Hard naman ipainom mo sa amin… nanlalaki na tiyan ko sa Red Horse e.” isinampa ni Gerry ang malaking mop sa ibabaw ng lababo ang binuksan nang todo ang gripo para hugasan ito.
“Letse.. ang arte mo.. inumin mo na lang ang ibinibigay sayo… ikaw Eliz? anu gusto mo tirahin mamaya?” sinilip ni Nikki ang nakahiga sa katabing stretcher.
“Kahit ano…”
“The Bar na lang tayo, tapos bili ka ng chicharong bulaklak.” binaba ni Gerry ang lampaso sa sahig, at inumpisahan muli ang paglilinis.
“Wow.. parang may patagong pera ha?” pinasok ni Eliz ang hintuturo sa ilong ni Aling Rosalinda para ipasok maigi ang lumitaw na bulak.
“Oh sige.. sunduin ko kaya maya dito ha… mga alas-onse.” bumaba si Nikki sa stretcher, hinila ang gamit na puting kumot at kumuha ng bago sa loob ng cabinet.
“Anong gagawin mo?” nagtatakang tanong ni Gerry.
“Eh di matutulog…” hinila konti ni Nikki papalayo ang stretcher sa katabi nito, sabay nilatag sa ibabaw nito ang bagong labang kumot at humiga.
“Mamaya pumasok si Mam Anne dito..” hinawi konti ni Eliz ang buhok ni Aling Rosalinda, para makita ang dalawang gitnong hikaw na pinalagay ng mga kamag-anak niya.
“Kaya nga dalawa nga dalawa nilabas ko e… kapag pumasok dito takpan niyo lang ako. Kunyari kustomer niyo rin ako.” nakapikit na agad si Nikki.
“Bahala ka… kilala ka naman ata nun e.” piniga ni Gerry ang lampaso sa lababo.
“Hinde ako kilala nun.. magagalit ba yun?” medyo lumingon si Nikki kay Eliz.
“Ewan ko.. hindi pa natin nasusubukan e.” pinagmamasdan maigi ni Eliz ang ayos ni Aling Rosalinda.
“Kung pupunta yun dito.. Maya-maya pa yun…” sinandal na ulit ni Gerry ang mop sa sinasandalan nito.
“Ok na to..” inayos konti ni Eliz ang kwelyo ng suot na damit ni Aling Rosalinda, sabay sinaran niya na ang puting kabaong nito.
“Tawagan ko na ba sila Mang Kris?”
“Sige.. tawagan mo na.”
-·~¹’°¨°’¹i|¡‹(`··´)›¡|i¹’°¨°’¹~·-
About this entry
You’re currently reading “Bida,” an entry on Avilo
- Published::
- 8.31.09 / 11pm
- Category:
- Uncategorized
- Tags:
- avilo
No Comments
Jump to comment form | comments rss [?] | trackback uri [?]