Tara Na!: Mocha Shake

  Mabilis na hinugot ni Nicole ang kulay itim na permanent marker na binili niya sa isang school supplies store kahapon. Mabilis niyang inisip ang mga letrang dapat isulat sa bagong kabit na sign sa harap niya.

  Ngiting ngiti na sinulat ni Nicole ang malalaki at matatabang letra sa kulay puting signboard.

Tang ina MOCHA SHAKE…………………..   15.00″

 Bigla siyang napaigtad nang sigawan siya ng kaibigan niya na nakasilip sa bintana ng karinderya.

“Tang ina ka talaga no!?” saway ni Nikki sa kaibigan na tambay harap ng kanilang karinderya na nasa harapan ng isang Malabanan Branch na matagal nang pinasara sa dahil sa di katanggap tanggap na pagtatapon nila ng kanilang mga nahigop. “Di ka talaga titigil hanggang di ka nasasaktan no!?” dagdag pa nito.

“Ayos lang yan… Mas dadami ang suki niyo.” pabirong sagot ni Nicole.

“Letse… Kakakabit kabit lang nyan e!” inis na sabi ni Nikki, habang pilit binubugaw ang hukbo ng mga bangaw gamit ang pambugaw na ginawa ng tatay niya.

  Sabado ng tanghali. Walang benta. Hindi kasi gaanong dinadaanan ng mga sasakyan ang kalyeng kinatatayuan ng kainan nila. Minsan lang talaga, minsan isang aircon bus na puno ng pasaherong pakay lang e, makagamit ng kanilang kubeta. Kaya naman para kumita din, nilagyan nila ng entrance fee ang kubeta. Dalawang piso kapag iihi ka lang, Sampung piso kung tatae ka.

   “May shake ba kayo ngayon?” tanong ni Nicole, habang nakasandal sa pawid na dingding ng tindahan.

  Presko sa lugar nila, maraming puno ang nakapaligid sa karinderya.

   ”Anong flavor gusto mo?” iritang tanong ni Nikki.

   “Tang ina MOCHA meron kayo?” sabay tawa ni Nicole.

   “Letse.” kinuha niya ang isang lata ng evaporada sa ilalim ng mesa  “Umuwi na ba kuya mo?”

   “Naku.. wala na akong pakialam dun.” inayos ni Nicole ang pagkakasandal. “Baka nga dedz na yun eh.”

  ”Gago… Tingnan mo, kapag bumalik yun.. Bigtime na yon!” sinalin ni Nikki ang ilang takal na gatas sa blender. Nilagyan ng ilang cubes ng yelo at dalawang kutsara ng Mocha Mix.

  “Wish ko lang.” sabi ni Nicole.

  Malakas na kumalampag ang yelo sa loob ng blender, pero agad din itong nadurog at tahimik na ugong nalang ang narinig ng dalawa mula sa blender. 

  “Ayos yan no.. Nakakawili panoorin.” parang praning na sinabi ni Nicole.

  “Ano?” tanong ni Nikki.

  “Yang blender.. nakakawili panoorin.” sagot ni Nicole.

  ”Gago.. Kumain ka na ba?” tatawa tawang tanong ni Nikki.

  May dumaan na malaking bus, pero di ito napansin ng dalawa. Alam nila kasi kung titigil ang mga sasakyan. Malayo pa lang makikita mo na silan natabi sa kalsada.

  “Magkano?” tanong ni Nicole.

  ”Kinse.. Plus pa yung utang mo kahapon.. bale trenta.” isinalin ni Nikki ang malapot na shake sa plastik na baso at iniabot sa kaibigan.

  ”Bente lang to… Bukas na yung sampu.” mabilis na kinuha ni Nicole ang baso at mabilis ding inabot ang bente pesos.

  “Tang ina ha.. Di ka nawalan ng utang.” inayos ni Nikki ang gusot gusot na pera at maayos na inilagay sa lalagyan.

  ”Oo na.. Babayaran ko yan.. kapag dumatin na yung allowance ko galing kay Mama.” malakas na humigop si Nicole sa maliit na straw.

  “Ok.. basta libre mo ako ha?” sabi ni Nikki sa kaibigan.

  “Walang problema yun..  Oh sige.. Uwi muna ako.. balik nalang ako maya.” nagpaalam na si Nicole sa kaibigan.

   Nakatira si Nicole sa isang bahay sa likod ng Malabanan, tawid kalye lang sa karinderya.

  Mataas at tutok na tutok ang araw ng mga oras na iyon. Walang ulap at malakas ang hangin. Tahimik ang kalye, wala ang mga batang makulit sa karinderya. Wala ang mga nagmamajong. Walang mga nakikigamit ng banyo.

  Biglang nagulat si Nikki nang makarinig ng malakas na lagabog. Alam niyang galing sa kalsada ang ingay.

  Napasigaw siya nang makita ang duguan at naghihingalong kaibigan sa tabi ng kalsada. Di niya alam ang nangyari dito. Sabog ang shake sa maalikabok na kalsada.

  Bali bali ang buto ni Nicole, di ito makapagsalita. Puro ungol lang ang kayang ilabas nito. Lumuluha siya. Durog ang maganda mukha ng kaibigan. Wasak na ang katawan nito. Sira sira ang damit. Wala na ang maganda postura ng katawang niya. Wala na ang makulit at masayahing Nicole.

  Di agad nakagalaw si Nikki. Narinig niya ang sarili. Narinig niya ang sarili na minumura ang kaibigan. TANG INA MOCHA.


About this entry